
/common•ology/
ANG PANGALAn:
Ang salitang commonology ay hango sa pinagsamang salita na common meaning karaniwan o simple at logy na Griyegong salita na ibig sabihin ay pag-aaral o salita. Sa katotohanan, kinuha namin ang logy sa salitang THEOLOGY na ibig sabihin ay pag-aaral o salita patungkol sa Diyos. Sa pagbuo namin ng pangalang ito ay aming nilalayon na ating pag-aral ang mga konseptong teolohikal na pangkaraniwan at madalas marinig, ngunit mahalaga sa pagpapalawig ng pananampalataya lalong lalo na kung ito’y papatungkol sa kaligtasan. Layunin namin na maipahayag ang katotohanang nakasalig lamang sa Banal na Kasulatan. Ito ay aming gagawin sapagkat aming pinanghahawakan ang doktrinang “Kasulatan Lamang” o “Sola Scriptura.” Ito ay sapagkat sang-ayon sa 2 Timoteo 3:16 na “ang lahat ng Kasulata’y kinasihan ng Diyos at magagamit sa pagtuturo ng katotohanan, sa pagbubulaan sa maling aral, sa pagtutuwid sa likong gawain, at sa pag-akbay sa matuwid na pamumuhay.” [TPTEV]
ANG LOGO:
Simboliko ang logo na napili ng commonology. Ang bilog na representasyon ng mundo. Ang tatlong trumpeta naman ay kumakatawan sa pagpapalaganap ng mensahe ng tatlong anghel sa Apocalipsis 14:6-12. Ito ang pagpapahayag o pangangaral ng walang hanggang evangelio ng ating Panginoong Jesu-Cristo bago ang Kanyang ikalawang pagdating. Nangangahulugan lamang na mithiin ng commonology na maging isang epektibong instrumento ng Diyos sa pagbabaabot sa buong mundo ng Kanyang evangelio sa sang-ayon na rin sa Mateo 28:19-20. Bagamat ang napili naming mga termino sa pagpapaliwanag ay pangkaraniwan at simple, ito ay mahalaga sa pagpapalago ng ating pananampalataya – lalo na sa konsepto ng kaligtasan o salvation.
ANG pananampalataya:
Ang pananampalataya ng bumubuo sa commonology ay nakasalig sa pananampalatayang Adventista o ng samahang Seventh-Day Adventist. Ang mga adventista ay naniniwala sa kasagraduhan o pananatili ng kabanalan ng araw ng Sabbath sang-ayon sa liwanag ng Banal na Kasulatan. Sa Exodo 20:8-11 ipinahayag ng Panginoong Diyos ang pangingilin ng araw ng Sabbath na siyang ika-pitong araw sa buong sanglinggo. Kami ay naniniwala na mapahanggang sa Bagong Tipan ay umiiral parin ang pangingilin ng araw na ito at hindi ito kailanman sinira o pinawalang bisa. Isa pa sa pangunahing doktrina ng Adventista sang-ayon sa pangalan ng samahan ay ang Advento o ang muling pagbabalik ng Panginoong Jesu-Cristo. Malinaw sa tala ng Biblia na ang bawat mananampalataya ay hinihintay ang mapalad na pag-asa. At sa ating panahon, layunin ng iglesyang ito na ipahayag ang walang hanggang evangelio ni Kristo sa lahat ng kinapal na kinakatawanan din ng mensahe ng tatlong anghel.

