top of page

Sa Pangalan ng Iglesya ang Tunay sa Diyos?

  • Apr 13, 2016
  • 7 min read

Alam naman natin na pasimula pa lang na ang pangalan ay ginagamit para sa pagkakakilanlan ng isang tao, lugar, hayop, bagay, o ng isang samahan. Sa pamamagitan ng pangalan ay nakikilala natin ang isang tao o bagay bilang siya o ano ito.

Sa ating panahon ngayon ay maraming sekta ng pananampalataya ang nag-aangkin na sila ang tunay na samahang itinatag ng ating Panginoong Jesu-Cristo. At isa sa mga itinuturo nilang doktrina sa kanilang samahan na sa pamamagitan ng pangalan ay makikilala natin ang tunay na iglesyang itinayo at nasa Diyos! Ang idinidiin nila sa kanilang mga aral na dapat nakikita LITERAL na mababasa at makikita sa Biblia ang pangalan ng Iglesya!

Ngunit ito ang katanungan: Mahalaga ba ang pangalan upang malaman kung ang isang bagay ay nasa katotohanan o nasa Diyos? Itinuturo ba sa Biblia na sa katawagan ng iglesya makikilala na sila ang tunay na samahang itinatag ng ating Panginoong Jesu-Cristo? Nasasaad ba sa Banal na Kasulatan ang pangalan ng tunay na samahan na sa Diyos? May katotohanan ba sa mga ito?

Ito ang SAGOT!

"Bagaman mahalaga rin ang pangalang pantangi, ngunit hindi ito ang basehan kung ikaw o ang isang samahan ay totoong sa Dios o hindi![1] Wala po tayong mababasa na ang mga unang iglesia noon ay nagparehistro ng kanilang pangalang pantangi (o proper noun). Ito po ay nagpapatunay lamang na mas mahalaga sa Dios ang aral na taglay ng iglesia at ang bunga ng mga naaralan. Kung meron mang pangalang pantangi na ikinapit sa unang iglesia ay iyon ay walang iba kundi ang pangalang "Cristiano"–na nangngahulugang mga tagasunod ni Cristo.[2]"

"At nang siya'y kaniyang masumpungan ay kaniyang dinala siya sa Antioquia. At nangyari, na sa buong isang taon sila'y nakisama sa iglesia, at nagsipagturo sa maraming tao; at ang mga alagad ay pinasimulang tawaging mga Cristiano, sa Antioquia." - Mga Gawa 11:26, TAB

Ngayon, alam natin ang Anak - ang Ikalawang Persona sa Kadiyosan (Godhead) ay tinatawag at nakilala sa iba't-ibang pangalang pantangi. Siya ay kilala natin at tinatawag sa pangalang "Jesus" (Heb. "ישוע" [Yeshua]; "Ἰησοῦς" [Iesus]) na nangangahulugang "Tagapagligtas." Pinangalanan din Siya na "Emmanuel" na nangangahulugang "sumasa atin ang Diyos"(rf. Isaias 7:14; Mateo 1:23).

"Kaya't ang Panginoon nga ay magbibigay sa inyo ng tanda; narito, isang dalaga ay maglilihi, at manganganak ng isang lalake, at tatawagin ang kaniyang pangalan na Emmanuel." - Isaias 7:14, TAB

"...At ang pangalang itatawag nila sa kaniya ay Emmanuel; na kung liliwanagin, ay sumasa atin ang Dios." - Mateo 1:23, TAB

Kung ating uunawain lamang mga inilatag na halimbawa, hindi problema o isyu ang pagkakaroon ng iba't-ibang pangalang pantangi sa ating Panginoong Jesu-Cristo. Dahil pa nga dito ay mas lalong napagtibay ang Kanyang pagka-Diyos bilang Ikalawang Persona. Sa mga halimbawang nabanggit ay nagpapakita lamang ang ating Panginoong Jesus ay Tagapagligtas at nagpapakilala rin sa atin na ang Diyos ay malapit sa atin. [Mas palalawigin ang patungkol sa Kadiyosan o Godhead sa mga susunod na mga artikulo.]

ANG DIYOS DAPAT ANG KUMILALA [1]

"Sapagka't hindi subok ang nagtatagubilin sa kaniyang sarili, kundi ang ipinagtatagubilin ng Panginoon." - 2 Corinto 10:18, TAB

Sa pahayag na ito ng talata, hayaan po nating ang Panginoon ang kumapit ng Kanyang pangalan sa isang samahan. Gayunpaman, ang atin pong Panginoong Diyos ay nagbigay sa atin ng mga tanda ng iglesiang Kanyang tinawag. Ano ang ilan sa mga katangian ng iglesia ito?

[A.] SIYANG GUMAGANAP NG MGA UTOS NG DIYOS

Paano pinanganlan ng Panginoong Diyos ang Kanyang Iglesya? Isa sa patunay na nasusulat sa Banal na Kasulatan na ang tinawag ng Diyos ay nagtuturo ng pagganap sa Kautusan. Ito ay hindi itinuturo bilang daan ng kaligtasan bagkus ito'y bilang tugon ng mga NALIGTAS NA sa kaligtasang nakamit.

"Itatatag ka ng Panginoon na isang banal na bayan sa kaniya, gaya ng kaniyang isinumpa sa iyo; kung iyong gaganapin ang mga utos ng Panginoon mong Dios, at lalakad ka sa kaniyang mga daan. At makikita ng lahat ng mga bayan sa lupa, na ikaw ay tinawag sa pamamagitan ng pangalan ng Panginoon at sila'y matatakot sa iyo." - Deuteronomio 28:9-10, TAB [Amin ang pagdidiin]

"Sapagka't ito ang pakikipagtipang aking gagawin sa sangbahayan ni Israel Pagkatapos ng mga araw na yaon, sinasabi ng Panginoon; Ilalagay ko ang aking mga kautusan sa kanilang pagiisip, At sa kanilang mga puso'y aking isusulat ang mga ito. At ako'y magiging Dios nila, At sila'y magiging bayan ko:" - Hebreo 8:10, TAB [Amin ang pagdidiin]

"Pinagpala ang mga tumutupad sa kaniyang mga utos. Sila ay magkakaroon ng karapatang kumain mula sa punong-kahoy ng buhay at pumasok sa mga tarangkahan ng lungsod." - Pahayag 22:14, SND

[B.] DIYOS AY MAY KALOOB NA TANDA

"Bukod dito'y ibinigay ko rin naman sa kanila ang aking mga sabbath, upang maging tanda sa Akin at sa kanila, upang kanilang makilala na ako ang Panginoon na nagpapaging banal sa kanila." - Ezekiel 20:12, TAB

"At inyong ipangilin ang aking mga sabbath; at mga magiging tanda sa Akin at sa inyo, upang inyong maalaman na ako ang Panginoon ninyong Dios." - Ezekiel 20:20, TAB

Kung ating babalikan ang Sampung Kautusan ng Diyos, mayroon sa mga utos na patungkol sa pangingilin. Ito'y nasa ikaapat na utos na patungkol sa Araw ng Sabbath. At sa kautusan pong iyan ay ginawa Niya ang Sabbath bilang tanda Niya at sa Kanyang bayan [Mas mapapalawig ang patungkol sa Sabbath sa mga susunod na artikulo].

[C.] BAYAN NG DIOS AT IGLESYA NG DIOS SA LUMA AT BAGONG TIPAN

"Ito'y yaong naroon sa iglesia sa ilang na kasama ang anghel na nagsalita sa kaniya sa bundok ng Sinai, at kasama ang ating mga magulang: na siyang nagsitanggap ng mga aral na buhay upang ibigay sa atin." - Gawa 7:38, TAB

Sa ibang salin ng Biblia:

"Siya iyong naroon sa kapulungan sa ilang na kasama ang anghel na nagsalita sa kaniya sa bundok ng Sinai. Kasama niya ang ating mga ninuno. Siya ang tumanggap ng mga buhay na katuruan upang ibigay sa atin. " - Gawa 7:38, SND

Ayon sa talata sa taas, ang Israel pala na bayan ng Diyos noon sa lumang tipan ay tinatawag ding 'iglesia sa ilang'. At lalo pa, ang mga aral na taglay ng 'iglesia sa ilang' ay ibinigay sa iglesia ng Dios sa panahon ng bagong tipan!

Sa pananaw na ito, hindi po natin pwedeng idahilan o ipangatwiran na "iba naman noon sa lumang tipan at iba naman ngayon sa bagong tipan"[2]. Ito ay sapagkat sa pananaw ng Diyos at ng Banal na Kasulatan, ang Kanyang iglesia maging sa luma o bagong tipan ay iisa lamang ang taglay na mga pangunahing aral. Ito po ay nararapat lamang dahil ang Diyos natin ay iisa lamang ang pamantayan.

[D.] ANG KINIKILALA NG DIYOS AY MAYROONG PATOTOO NI JESUS

"At ako'y nagpatirapa sa kaniyang paanan upang siya'y aking sambahin. At sinasabi niya sa akin, Ingatan mong huwag gawin iyan: ako'y kapuwa mo alipin at ng iyong mga kapatid na mayroong patotoo ni Jesus: sumamba ka sa Dios: sapagka't ang patotoo ni Jesus ay siyang espiritu ng hula." - Pahayag 19:10, TAB

Isa pa sa mga katangian ng tunay na iglesya ay ang pagkakaroong patotoo ni Jesus! Ngunit ano ba ang patotoo ni Jesus? Niliwanag na din ng talatang ito na ang patotoo ni Jesus ay ESPIRITU NG HULA! [Amin ang pagdidiin] Atin pa itong lalong pag-aaralan sa artikulong "Ang Paglilinaw patungkol sa Espiritu ng Hula."

[E.] PANDAIGDIGANG PAMAMAHAYAG NG EBANGHELYO NG KAHARIAN

"Kaya't humayo kayo, gawin ninyong alagad ko ang mga tao sa lahat ng mga bansa. Bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. Turuan ninyo silang sumunod sa lahat ng iniutos ko sa inyo. Tandaan ninyo, ako'y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng panahon." - Mateo 28:19-20, TPV

Atin nakita dito sa talatang ito na ang iglesya sa huling mga araw ay magpapahayag ng ebanghelyo ng kaligtasan sa lahat ng mga bansa. Kasama sa ipapahayag nito ay ang mensahe ng tatlong anghel sang-ayon sa Apocalipsis 14:6-12. Ito ang sinasabi ng mga talata:

Ang Mensahe ng Tatlong Anghel [3]

"(6) At nakita ko ang isa pang anghel na lumilipad sa kalagitnaan ng langit. Taglay nito ang walang hanggang ebanghelyo na ipapahayag sa mga nananahan sa lupa. Kabilang dito ang bawat bansa at lipi at wika at mamamayan. (7) Sinabi niya sa isang malakas na tinig: Matakot kayo sa Diyos sapagkat dumating na ang oras ng kaniyang paghuhukom. Magbigay kayo ng papuri sa kaniya. Sambahin ninyo siya na gumawa ng langit at lupa at dagat at bukal ng mga tubig. (8) May isa pang anghel ang sumunod sa kaniya na nagsabi: Bumagsak na ang Babilonya! Bumagsak na ang dakilang lungsod ng Babilonya! Siya ay bumagsak dahil sa alak ng poot ng kaniyang pakikiapid na ipinainom niya sa lahat ng mga bansa.

(9) Sumunod sa kanila ang pangatlong anghel. Sinabi niya sa isang malakas na tinig: Ito ang mangyayari sa sinumang sasamba sa mabangis na hayop at sa kaniyang larawan. Ito ay mangyayari sa sinumang tumanggap ng tatak sa kaniyang noo o sa kaniyang kamay. (10) Siya ay iinom ng alak ng poot ng Diyos, na ibinuhos niya na walang halo sa saro ng kaniyang poot. Pahihirapan siya sa apoy at nagniningas na asupre sa harapan ng mga banal na anghel at sa harapan ng Kordero. (11) Ang usok ng kanilang paghihirap ay pumailanlang magpakailan pa man. Ang mga sumamba sa mabangis na hayop at kaniyang larawan ay walang kapahingahan araw at gabi. Gayundin ang mga tumanggap ng tatak ng pangalan nito ay walang kapahingahan. (12) Narito ang pagtitiis ng mga banal na tumutupad sa mga utos ng Diyos at nananampalataya kay Jesus." - Pahayag 14:6-12, SND

Ngayon ay ating nakita ang pamantayan ng Panginoong Dios patungkol sa tunay na itinatag na iglesya sang-ayon sa Banal na Kasulatan. Sa mga ito ay WALA SA PAMANTAYAN ang pangalang pantangi sa pagkilala ng Tunay ng Iglesya! Kung ganon, paano natin makilala ang samahang sa Diyos?

SA TURO MAKIKILALA ANG TUNAY NA IGLESYA

"Kung ang sinomang tao ay nagiibig gumawa ng ng kaniyang kalooban, ay makikilala niya ang turo, kung ito'y sa Dios, o kung ako'y nagsasalita na mula sa aking sarili." - Juan 7:17, TAB

Kung ia-apply natin sa usaping "iglesia", ang ating Panginoong Diyos ay tumitingin sa aral na ipinapangaral ng samahan, hindi sa panlabas na pagkakakilanlan, tulad ng pangalan. Ang kaaway - si Satanas, ay napakadaling gayahin at gawin na ikapit ang pangalan ng ating Panginoon sa mga samahan niyang gagamitin upang iligaw ang marami dahil kaya rin naman niyang magkunwaring anghel ng kaliwanagan (rf. 2 Corinto 11:14).

"Sapagka't marami ang magsisiparito sa aking pangalan, na mangagsasabi, Ako ang Cristo; at ililigaw ang marami." - Mateo 24:5, TAB

Ngunit kailanman ay hindi niya kayang gayahin ng buong buo ang mga dalisay na aral ng Diyos. Ito ay sapagkat kailanman ay wala sa kanya ang KATOTOHANAN!

- Mga Reperensya -

[1] Pag-Aralan Natin (2017). "Iba't-ibang pangalan ng P. Jesus at ang pangalan ng iglesia" . https://pagaralannatin.org/ibat-ibang-pangalan-ng-p-jesus-at-ang-pangalan-ng-iglesia/ [2] Ang Tinig sa Ilang (2010). "Ang Pangalan ng Tunay na Iglesia ng Dios". http://angtinigsailang.org/articles/pangalang-ng-tunay-na-iglesia-ng-dios/ [3] God's Last Warning (2014). "The 3rd Angel's Message". http://www.godslastwarning.com/the-3rd-angels-message/


 
 
 

Comments


Featured Posts
Check back soon
Once posts are published, you’ll see them here.
Recent Posts
Archive
Search By Tags
Follow Us
  • Facebook Basic Square
  • Twitter Basic Square
  • Google+ Basic Square
/common
•ology/

777-777-777-777

crestmedia05@gmail.com

Blk. 8 Camellia Street

Bulacan, PH 3000

  • White Instagram Icon
  • White Twitter Icon
  • White Facebook Icon

Success! Message received.

@2017 by /common•ology/. Proudly created with wix.com

bottom of page