Introduksyon sa Apologetika
- Sep 21, 2017
- 2 min read
Maraming sekta ng paniniwala ang nagkalat sa ating mundo ngayon. Maraming nagsasabi na sila ang tunay sa Diyos - na sila ang tunay na iglesiang nagtataglay ng mga dalisay na aral na nakasaad sa Banal na Kasulatan. Ngunit marami sa kanila ang may dala dala pa rin ang mga doktrinang galing sa relihiyong pinagmulan. At dahil dito ay nalilihis ang maraming mananampalataya lalong lalo na ang mga taong talagang nagnanais na matagpuan ang tunay na katotohanan. Narito, ang Panginoong Jesu Cristo ang nagsabi sa makikilala ang katotohanan ng isang iglesya ayon sa kanyang mga bunga - samakatuwid baga'y ang turo at doktrina ng isang samahan.
Ngunit ano ang Apologetika? Ang Apologetika ay isang disiplina ng Teolohiya. Ang apologetika ay nagmula sa salitang Griyego na "ἀπολογία" (apologia) na nangangahulugang apolohiya o pangtatanggol. Ang apolohiya (sa lumang pagpapakahulugan ng salita) ay ang pagtatanggol ng posisyon na kadalasang pang-relihiyon sa pamamagitan ng pangangatwiran [1]. Maliwanag sa Bagong Tipan na ang salitang apologia ay matatagpuan at nagamit sa iba't-ibang mga sulat tulad sa Mga Gawa 22:1; 1 Pedro 3:15, etc.
"Ngunit pakabanalin ninyo ang Panginoong Diyos sa inyong mga puso. Humanda kayong lagi na sumagot sa sinumang magtatanong sa inyo patungkol sa inyong pag-asa, na may kaamuan at pagkatakot." - 1 Pedro 3:15 (SND) [Amin ang pagdidiin]
Ang apologetika is patungkol sa pagkaalam kung bakit ating ginagawa ang isang bagay at sinasampalatayanan ang ating pananampalataya. Ito ay ang pagtatayo ng ating paninidigan sa Pananampalataya, pagkatuto sa pagpapaliwanag at pagtatanggol sa ating Pananampalataya na may kompiyansa at kaamuan. Ito ay isang mahalagang misyon o gawain ng iglesya - ang pagtuturo, pagtutuwid, pagsansala na naaayon sa Banal na Kasulatan. Sa Judas 1:3, tayo ay tinatawagan ating "panindigan ang pananampalatayang ipinagkaloob minsan at magpakailanman sa mga banal." [Amin ang pagdidiin]
Ilang mga gabay sa tama at mabuting pag-aaral ng Apologetika:
Hingin ang gabay ng Banal na Espiritu upang ibigay ang karunungan sa pagkaunawa ng mga katotohanan at katatagan ng loob upang ipangaral ang pananampalataya.
Alamin at pag-aralang paunti-unti ang mga aral, doktrina ng inyong pananampalataya araw-araw sa pamamagitan ng pag-aaral ng Banal na Kasulatan.
Layunin mong magkamit ng mga bagong kaluluwa para kay Kristo.
Laging tandaan na ang pagbabago ng mga puso ay ang gawain ng Espiritu Santo. Iyong ihasik ang punla at hayaan ang Espiritu Santo ang gumawa at mangusap sa bawat isa.
At sa huli, aking gustong ipabatid sa lahat na tayo nawa'y maging bukas ang pag-iisip patungkol sa mga aral na ating pinakikinggan at nababasa. Atin itong subukin kung ito'y sa Diyos - naaayon sa kanyang Kautusan at napapaloob sa Biblia.
- Reperensya -
[1] Apologetics (Retrived in 2017). http://www.thefreedictionary.com/apologetics




Comments